Kung Paano Makikipag-usap Tungkol sa Mga Bakuna sa COVID-19 sa Mga Kaibigan at Pamilya
To print this document, use your internet browser’s print settings to set page margins and remove the header and footer. For the best printing experience, use the Google Chrome, Firefox, or Microsoft Edge browser.
Normal lang ang magkaroon ng mga tanong at alalahanin tungkol sa COVID at mga bakuna.
Ang dami ng impormasyon—at mga maling akala—tungkol sa virus at mga bakuna, at ito ay talagang nakakalito at nakababahala.
May magagandang paraan para tugunan ang mga tanong at alalahanin ng mga tao, lalo na kung hinihikayat mong magpabakuna ang isang taong
- Ayaw itong gawin o iniisip na hindi niya ito kailangang gawin.
- Natatakot magpabakuna.
Narito ang ilang mungkahi para magkaroon ng mahusay na pag-uusap.
Makinig at tumugon nang may empatiya
Makinig nang hindi nanghuhusga.
- Tiyaking ikaw ay kalmado, bukas ang isipan, at handang makinig.
- Ang positibong pagkilos o pagkumpas, gaya ng pagpapanatili ng eye contact, ay maaaring makatulong para mapalagay ang iyong mga kaibigan at pamilya. Sikaping huwag umirap o humalukipkip.
- Igalang ang naiisip at nadarama ng kausap mo—kahit pa naiiba ito mula sa naiisip at nadarama mo o hindi ka sang-ayon sa kanya.
- Huwag sumabad. Hayaang matapos magsalita ang ibang tao bago ka magsalita.
Ipadama sa iyong kausap na pinakikinggan mo siya.
- Halimbawa, maaari mong sabihin, “Mukhang stress ka sa trabaho at sa bahay, at nalulungkot akong marinig na ang mga alalahanin tungkol sa bakuna ay nagdudulot sa iyo ng higit na stress. Mahirap talaga iyan.”
Huwag dagdagan ng “ngunit” ang mga salita mo.
- Halimbawa, kahit na hindi ka sang-ayon sa sinasabi ng kausap mo, huwag magsabi ng, “Naririnig ko ang sinasabi mo, ngunit hindi ako sumasang-ayon.” Iwanan ito sa, “Naririnig ko ang sinasabi mo.”
Huwag direktang hamunin ang isang bagay na sinasabi ng kausap mo na sa palagay mo ay mali.
- Halimbawa, huwag sumagot ng, “Hindi, hindi iyon totoo.” Sa halip, mag-alok na magbahagi ng tamang impormasyon tungkol sa mga bakuna mula sa mapagkakatiwalaang sanggunian para siya mismo ang makapagpasiya kung totoo ang pinaniniwalaan niya (nasa ibaba ang higit pa tungkol dito).
Magtanong ng mga bukas na tanong para masiyasat ang mga alalahanin
Ang layunin ng mga bukas na tanong ay para makakuha ng sagot bukod sa oo o hindi.
Ang mga bukas na tanong ay makakatulong sa iyo na maunawaan kung
- Ano ang ikinababahala ng kausap mo.
- Saan niya nalaman ang nakakapanligalig na impormasyon.
- Ano ang ginawa niya para makakuha ng mga sagot sa mga tanong niya. Halimbawa, maaari mong itanong, “Anong naramdaman mo mula sa pinanood mong balita? Ano ang ginawa mo pagkatapos nito?”
Maging magalang sa mga tanong mo.
Halimbawa, huwag sabihing “kalokohan” lang ang mga alalahanin niya. At huwag magtanong ng mga tanong na gaya ng, “Bakit ka mag-aalala tungkol diyan?”
Humingi ng pahintulot para magbahagi ng impormasyon
Sa oras na maunawaan mo ang mga alalahanin ng kausap mo, tanungin kung maaari kang magbahagi ng impormasyon tungkol sa mga bakuna.
Kung sasabihin niyang hindi, mag-ingat na huwag ipilit ang impormasyon sa kanya.
Kung oo ang sagot niya, sabihin sa kanya kung saan ka kumukuha ng impormasyong mapagkakatiwalaan mo. Kasama sa pinakamahuhusay na sanggunian ng mga tamang sagot tungkol sa COVID at sa mga bakuna ang mga sumusunod:
- Ang Centers for Disease Control and Prevention
- Ang iyong lokal na kagawaran ng kalusugan
- Ang mga health care provider (gaya ng mga doktor, nars, at parmasyutiko)
Kung minsan, malaki ang nagagawa ng pagbabahagi ng maikli at tumpak na mga sagot sa mga karaniwang alalahanin para mapalitan ang isang tao mula sa pag-aalala patungo sa kumpiyansa.
Kung hindi mo alam ang sagot sa mga tanong, maaari kang mag-alok ng tulong sa paghahanap ng impormasyon.
Tulungan ang mga tao na mahanap ang sarili nilang dahilan para magpabakuna
Matapos tugunan ang mga alalahanin ng kausap mo nang may empatiya, paggalang, at mga katotohanan, ilayo ang usapan mula sa kung bakit hindi pa siya nagpapabakuna patungo sa kung bakit dapat niya itong gawin.
Maaari mong sabihin, “Talagang naiintindihan ko kung gaano nakaka-stress ang isipin ang tungkol sa COVID. Ano ang tungkol sa COVID ang nagtulak sa iyo para isiping maaaring kapaki-pakinabang ang pagbabakuna?”
Maaari mong piliing ibahagi ang sarili mong mga dahilan sa pagpapabakuna, o talakayin ang mga karaniwang layunin na maaaring mayroon ka, gaya ng ligtas na pagbisita sa isa’t isa.
Ang lahat ng pumipiling magpabakuna ay may dahilan, gaya ng sumusunod:
- Protektahan ang mga sarili nila para hindi magkasakit
- Protektahan ang kanilang pamilya
- Protektahan ang kanilang mga anak
- Mabawasan ang pag-aalala
- Bisitahin ang kanilang mga magulang
- Bumalik sa mga gawain nila (gaya ng pakikihalubilo sa mga kaibigan, pagbalik sa trabaho, o pagbalik sa paaralan)
Tumulong na mangyari ang pagbabakunang mga tao
Kapag nagpasiya ang isa kung bakit dapat siyang magpabakuna, tulungan siyang maging determinadong magpabakuna.
Tulungan siya para maging madali ang kanyang daan patungo sa pagpapabakuna. Mag-alok na
- Tulungan siyang gumawa ng kanyang appointment sa pagpapabakuna. Makakahanap ka ng mga bakunang malapit sa iyo sa vaccines.gov.
- Samahan siya sa kanyang appointment, kung kinakailangan.
- Tulungan siyang pumunta sa kanyang appointment o mag-alok na alagaan ang kanyang anak kung kailangan niya ito.
Maaari mo ring subukang sabihin sa kanya, “Tara, magpabakuna tayo.” Ginagawa nitong default na piliin ang pagpapabakuna.
Bilang isang pinagkakatiwalaang mensahero sa iyong pamilya at mga kaibigan, maaari kang magkaroon ng mahalagang papel sa kanilang desisyon para magpabakuna.